Lipat-bahay.

January 11th, 2007

Sa loob ng limang buwan ng pamamalagi sa Sydney, nakatatlong suburb na ako na natirhan.

Coogee
Yaong una kong bahay ay nahanap ko sa tulong ng kaopisina ko dito sa unibersidad, na inirekumenda niya sa akin sa pamamagitan ng e-mail. Kaya wala rin akong ideya anong klaseng bahay iyon. Pero nung nakarating naman ako nuong unang araw ko dito eh maganda naman yung bahay at napaka-akit ng lugar. Malapit siya sa beach at tuwing umaga nag-aagahan ako na natatanaw ang bahagi ng dagat Pasipiko sa Coogee beach.

Randwick
Nagpasya akong lumipat sa Randwick matapos akong anyayahan ng nakilala kong Taiwanese sa isang flat na malapit sa unibersidad. Labinlimang minutong lakad lang ito papunta sa Coogee beach, kaya maski na nawala ang aking mahiwagang bintana (na natatanaw ko ang dagat) eh kumagat na ako sa anyaya. Mas mura din naman ang aking ibinabayad na dito kasi naghahati kami ng gastos. Lapit din sa shops. Maganda din itong flat kasi may malaking balkonahe at bintana, at natatanaw ko ang skyscrapers ng Sydney city mismo. Kaya nga nakapanuod din ako ng mga pailaw nitong nakaraang bisperas ng bagong taon maski hindi kami pumunta sa Circular Quay. Ang nakakaaliw pa sa flat na ito ay walang limang minuto ay nasa opisina na ako, pagkat napakapalad ng nasa tapat lang halos ng apartment building ang mismong building ng unibersidad kung saan naroon ang Biological Sciences.

Kensington
Simula ng bumaklas itong Taiwanese sa paghahati ng mga gastusin (lumipat kasi sya ng tirahan, hindi nya nakasundo itong kasama naming isa pa), naghanap ako ng ibang matitirhan, pagkat masyado nang naging mahal ang ibinabayad ko ngayong ako lang mag-isa ang nasa napakalaking kuwarto. Naisip ko naman na hindi ko kailangan ng walk-in closet at ganito kadaming space. Nakahanap naman ako agad ng apartment sa Kensington na napakarikit! Gustung-gusto ko ang kwarto ko dito, maski na maliit lamang ay may malaki akong bintana na natatanaw ko ang isang napakagandang seminaryo. Naku, lalu ako nitong magpapakabanal. May balkonahe din dito, pero ang nakakalungkot nga lang ay napalayo na ako sa beach. aabutin na ng apatnapung minutong lakad. Pero sampung minuto lang naman kung sasakay ng bus. Hindi pa rin naman ganun ka-hassle.

Kaya ayun, nagsisimula na akong maglipat ng mga gamit ko sa kabilang flat. Mejo nalulungkot ako dahil mapapalayo na din ako sa mismong building ng opisina namin. Nasa kabilang sulok ng unibersidad ang malapit dun sa bago kong apartment. Pero ang maganda naman dun, ay makakapaglakad ako ng mas mahaba-haba, di tulad ngayon halos wala akong exercise!

2 Responses to “Lipat-bahay.”

  1. AJon 12 Jan 2007 at 11:26 am

    ayun may internet ka na uli sa bahay. pwede nang mag-torrent. wag lang aabuso at baka di ka na naman magkapag-aral/trabaho.

  2. Penon 12 Jan 2007 at 7:33 pm

    paisa-isa la-ang =P

Trackback URI | Comments RSS

Leave a Reply