lakbay-kwento.

penny December 31st, 2006

bati muna: Masaganang Bagong Taon sa inyong lahat!
ny2006
Mangilan-ngilang mga highlights ng Christmas vacation: (nasa mas maagang post ang link sa mga litrato)

Dahil sa madalian ang bakasyon na ito, sa unang pagkakataon ko naranasan maglakbay ng walang kaplano-plano. Go with the flow ba. Kaya’t balikan akong sumabit sa 12 hour drive (Sydney-Gold Coast). Lilipad sana ako pauwi kaso di ko naasikaso. Iniisip ko kung paano ko nagawang magtrabaho hanggang alas-5 ng hapon noong araw na umalis kami papuntang Queensland ng alas-6 ng gabi. Kasama na dun ang pagiimpake. Super speed!

Pero nakatutuwa naman yung biyahe. Itong nagdrive sa amin, si Peter, eh may kaedaran na din, kaya makuwento at nagmistulang tour guide. Madami akong natutunan sa kanya tungkol sa New South Wales. Dahil tanong ako ng tanong kung nasaan yung “coast”, nagddetour sya paminsan papuntang mga beach para makita ko kung ganu kalapit sa Pacific Hiway ang east coast ng Australia. Hehe, ang ganda-ganda! Tumagal by 2 hours yung trip namin dahil dito. Ayos lang, worth it! Ilan sa mga nakita kong coast along the way were Port Macquarie, Coffs Harbor, Lennox Head and Byron Bay.

Pagdating sa Gold Coast eh nakahanap kami agad ng matitirhan. Walang arte-arte, dahil punung-puno pagkat pasko. Dalawang araw din kami nagbabad sa napakahabang beach ng Surfers Paradise. Isang napansin ko dito eh madaming Pinoy. Nagttrabaho sa mga restaurants. Sa ikatlong araw eh sumama kami sa isang tour ng National Park sa Springbrook. Eto yata ang favorite ko sa lahat ng ginawa namin. Nature freak talaga! Mejo nabitin ako sa bushwalking, kaya ngayon Enero eh sana makahanap ako ng panahon na makapagbushwalking dito sa NSW. At may natutunan ako: ang Koala pala ay aboriginal word meaning “no water”. Ang mga koala pala ay hindi umiinom, sapat na ang moisture na nakukuha nila sa pagnguya ng sanga ng gum tree.

Bisperas ng pasko eh nagdinner kami sa revolving restaurant ng Crowne Plaza Hotel. Sulit ang buffet! Sana lang eh dalawa ang tiyan ko. Kinabukasan, Pasko, nagsimba ako sa isang chapel na malapit sa hostel. Doon may nakilala akong pamilya na nakatutuwang kausap. Kinunan ko ng litrato yung tatlong bata na kasama nila. Buong misa yata eh kakulitan ko yung ikalawang bata na si Phoebe. Ang ganda-ganda nya, parang anghel! Matapos nung misa nakipagchikahan ako sa lola, matapos magpaalam ay tumulong ako maglinis ng simbahan. Pag-uwi ko sa hostel ay nagbibigayan sila ng regalo. Pagsapit ng tanghali ay nagsupresa ang mga manager ng pananghalian. Napakasarap din ng hinanda nilang pagkain! Nakihalubilo ako sa ibang mga nakatira sa hostel at nakinig sa mga kuwentong-buhay nila. Napalapit din ako maski papano sa mga manager nung hostel. Napakalambing nila at maasikaso. Alam nila ang pangalan mo at napakasayahin ng mga tao dito. Dala siguro ng masikat na araw ng Gold Coast kung kayat warm ang kanilang ugali.

Ang araw matapos ang pasko ay tinatawag nila dito na Boxing Day. Holiday kaya’t sarado ang karamihan ng mga establishments. Wala naman kaming nagawa kundi tumambay uli sa beach. Ayus lang, masaya naman at napakaganda ng beach! Sabi nga nung isang nakilala kong Pinoy sa Gold Coast, parang Manila ang lugar na ito. Mejo totoo, kasi ang climate nila ay subtropical. May kainitan pero maaliwalas pa din ang hangin. Tuwing gabi ay nananatiling maingay ang Surfers paradise, parang Manila. Sa Sydney eh sa Darling Harbor at Kings Cross ko lang napansin na ganito. Pero ang kaibahan ng Gold Coast sa Manila ay imbes na maduming Manila Bay, napakalinis at napakahabang beach ang katabi. Hmm… sa tingin ko mas malapit sa Boracay ang kahalintulad ng Gold Coast, lagyan mo lang ng matataas na skyscraper ang Boracay, at habaan mo pa ang beach. Urban beach ba. Sabi nga ng kasama ko eh parang hybrid ang Gold Coast ng Las Vegas at Miami. Sa panunuod ko ng tv eh masasabi ko na tama sya.

Kinabukasan sumama kami sa tour papuntang Brisbane. Nakaaakit din ang siyudad na ito. Madaming mga naipreserve na mga lumang sandstone and brick buildings. Iba pa din ang Sydney, pero dito sa Brisbane napansin ko na mas mura ang mga bilihin. Yun nga lang eh wala masyadong mapapasyalan.

Yun lamang. Maayos naman kaming nakabalik sa Sydney. Syempre iba ang new year’s celebration dito sa Sydney. Nais ko sanang tumayo mismo sa tapat ng Harbour Bridge mamaya doon sa vicinity ng Opera House para manuod ng fireworks. Di ko lang yata kakayanin ang dami ng tao. Isa pa, wala naman si Ajay dito. Bka manatili na lang ako sa payapa ng aming flat. Tanaw naman ang siyudad mula sa balcony.

3 Responses to “lakbay-kwento.”

  1. AJon 31 Dec 2006 at 11:24 am

    di ba yung surfer’s paradise maraming hunks na bading? hehe

  2. penon 31 Dec 2006 at 11:54 am

    maski saan naman may hunks, may bading

  3. AJon 01 Jan 2007 at 10:20 am

    well in this case, yung mga hunks mismo ang bading. parang si piolo o si scofield. ooops. :P

Trackback URI | Comments RSS

Leave a Reply